Nag-umpisa na ang balidasyon ng DSWD sa mga nakatanggap ng P5,000 na Emergency Subsidy mula sa Social Amelioration Programs. Sa balidasyon na ito, kinukumpirma ng DSWD na ang mga nilista ng local na pamahalaan na tumanggap ng SAP ay naayon sa guidelines – na kasama sila sa poorest of the poor o sa vulnerable na sector ng lipunan, katulad ng mga mahihirap na senior citizens, solo parents, persons with disability atbp.

Isinagawa ang unang balidasyon sa Tacloban City, kung saan ilang teams mula sa DSWD ang nag-ikot at nag tanong sa mga benepisaryo kung ano ang pinagkakakitaan nila, kung ilang araw ang lumipas mula sa pag-interview sa kanila hanggang sa pagpay-out, kung kailan at saan nila natanggap ang SAP at kung saan nila ginamit ang SAP.

Sa kasalukuyan, nasa 546,769 na mga benepisaryo sa buong Rehiyon VIII ang nakatanggap ng Emergency Subsidy, at P2,733,845,000 na ang kabuuang naipamahagi ng mga LGU, kasama ang DSWD. Ayon sa mga report na natanggap ng DSWD, 140 sa 143 na LGU sa buong Rehiyon ang kumpleto na sa pamimigay ng SAP, at sa ngayon, ang mga LGU na ito ay nagsisimula nang magproseso ng liquidation, at magbalik ng pera na hindi nagamit.

#DSWDMayMalasakit