Ang mga magagandang asal o values tulad ng pagtutulungan at bukas na komunikasyon sa isa’t isa ay dapat na panatilihin sa loob at labas man ng tahanan upang mas maging matatag sa mga hamon sa buhay.

Ito rin ang paniniwala ng ilaw ng tahanan na si Clara Pagatpat ng Mercedes, Eastern Samar. Para sa kanya, ang mga values katulad ng pagtutulungan at magandang komunikasyon sa tahanan ang pundasyon ng pamilya upang mairaos ang kahirapan lalo na ngayong pandemya.

Sa pagbabahagi niya, “Mas mauunawaan ang mga pangangailangan ng bawat isa kung pinag-uusapan ang problema at mapagtulong-tulongan itong resolbahin. Kaya’t kung maari ay sinasanay namin itong gawin sa tahanan.”

Bagaman ay may katandaan na rin sina Nanay Clara at ang kanyang asawa ay kumakayod pa rin sila upang makatulong sa mga pangangailangan sa bahay. Si Nanay Clara ay mayroong munting sari-sari store habang ang kanyang asawa ay suma-sideline sa pag-aayos ng mga sirang kagamitan.

Sinisiguro rin nila na mayroon silang suplay ng pagkain sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga gulay sa kanilang likuran. Higit dito ay nagbibigayan ang kanyang mga anak kung sino man ang mayroon at mas nakakaangat.

Ika nga ni Nanay Clara na sa buhay ay hindi maiiwasan ang mga suliran ngunit kung namumutawi pa rin sa kanila ang diwa ng pagkakaisa at magandang pag-uusap, ito ay malalagpasan.

Para rin sa kanya na dapat ay hindi lamang sa loob ng tahanan nakikita ang pagtutulungan kundi pati na rin sa kanilang komunidad. Kung kaya’t sa kabila ng kanyang edad ay nagboboluntaryo rin siya sa DSWD Kalahi-CIDSS program. Hinihikayat din ng programa na ang lahat ng miyembro ay nagbabahagian ng kanilang opinyon at suhesyon upang sa ikakabuti ng pamayanan”

Ika nga niya, “Mahalaga ang pagkaranas ng mga susunod na henarasyon na ang paglilingkod sa bayan ay isang magandang value o kaantasan na dapat panatilihin sa loob ng tahanan at sa lipunan.

Sa katunayan, ang isa niyang anak na si Maricel ay secretary at Barangay Health Worker (BHW) sa kanilang barangay habang ang isa niyang anak ay barangay kagawad.

Ayon kay Maricel, natutunan niya sa kanyang mga magulang na mahalaga ang makipagtulungan sa ibang tao.

“Malaki ang aking ginagampanang papel sa barangay lalong lalo na ngayong pandemya. Lahat ng mga may kinalaman sa health certificates, monitoring sa mga umuuwi at mga meetings, lagi akong kasama. Isa din akong Barangay Health Worker (BHW) so kasama din ako sa mga frontliners na nagbabantay kung merong mga LSIs sabarangay. Tumutulong din ako sa proyekto namin sa Kalahi-CIDSS. Patuloy akong tumutulong para sa aking kapwa, para sa aking barangay, at higit sa lahat para sa aking pamilya.”, pagbabahagi nito.

Hindi lamang ang mga anak ni Nanay Clara ang may puso sa pagtulong. Pati rin ang mga asawa ng kanyang mga manugang na sina Elvie at Jocelyn ay kapwa community volunteers ng Kalahi-CIDSS program.

Para kina Elvie at Jovelyn ay na-engganyo sila sa kanilang biyenan dahil kahit na matanda na ito ay nagboboluntaryo pa rin. Para sa kanila , sa pamamagitan ng pagboboluntaryo ay paraan upang ipamulat sa kanilang mga anak at ibang kabataan na matututong makiisa sa mga gawaing panlipunan.

“Kung nararasanan din nila na makatulong sa kapwa sa pamamagitan ng pagboboluntaryo tulad sa Kalahi-CIDSS mas maiintidihan ang tunay na diwa ng pagtutulungan at bukas na komunikasyon.”,ani ni Elvie.

“Masarap sa kalooban kung ikaw ay nakakatulong sa kapwa mo lalong lalo na ngayong pandemya.”sambit naman ni Jovelyn.

Masaya si Nanay Clara na naibabahagi niya sa kanyang pamilya ang diwa ng pagboboluntaryo at pagtutulungan sa loob at labas man ng tahanan.

#DSWDMayMalasakit