Noong Setyembre, nilagdaan at isinabatas ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11494, o ang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2). At upang maayos itong maipatupad dito sa Eastern Visayas, nagsagawa ang DSWD Field Office VIII ng orientation para sa mga Municipal Social Welfare and Dvelopment Officers (MSWDOs) at mga Local Chief Executives (LCEs) mula sa iba’t ibang munisipyo sa Rehiyon. Sa pangunguna ng Disaster Response Management Division, tinalakay ng DSWD ang iba’t-ibang mga probisyon ng Bayanihan 2 at ang plano kung papaano ito ipapatupad.

Isa sa mga nakapaloob na probisyon ng Bayanihan 2 ay ang pamamahagi ng Emergency Subsidy. Ngayong Bayanihan 2, ang Emergency Subsidy na ito ay nakalaan para sa mga low-income na mga pamilya na nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown. Ito ang mga maliliit na lugar katulad ng barangay, sitio, purok, subdivision o village, street, zone, residential building o bahay na inilagay sa lockdown dahil sa banta ng COVID 19. Kailangan na ang mga lugar na ito ay idineklarang critical zone ng Regional Inter-agency Task Force (RIATF) para maging kwalipikado sa Emergency Subsidy ng Bayanihan 2.

Kasama din sa mga mabibigyan ng Emergency Subsidy ang mga kwalipikadong low-income na mga pamilya subalit hindi pa nakatanggap noong First Tranche at noong Waitlisted.

Katulad ng unang distribusyon ng Emergency Subsidy, ang mga opisyal sa barangay ang maglilista ng mga benepisaryo. Ang listahan na ito ay ipapasa para ma-certify ng City o Municipal Social Welfare and Development Officers (C/ MSWDO) at para aprobahan ng Local Chief Executive.

Ipinapaalala din ng DSWD Eastern Visayas na ang Bayanihan 2 ay hindi Second Tranche. Inaasahang makakapagsimula ang payout ng Bayanihan 2 ngayong Nobyembre.

#DSWDMayMalasakit