TACLOBAN CITY | Inilunsad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang kauna-unahang episode ng Family Development Session (FDS) on Air noong Setyembre 28, 2020 at umere sa 99.1 RMN Tacloban.

Tinalakay ng FDS on Air ang napapanahong kaalaman at impormasyon tungkol sa COVID 19 at pagpapanatili ng kalinisan at kaligtasan sa panahon ng pandemya. Binigyang diin sa nasabing FDS on Air ang pagsunod sa BIDA Solusyon Kontra COVID19. Si John Paul Roca, Development Management Officer IV ng Department of Health Eastern Visayas – Center for Health Development (DOH-EVCHD) ang nagsilbing resource speaker kasama si Abelardo Narido Bibat, Regional Monitoring and Evaluation Officer ng Pantawid Pamilya.

Nagbigay din ng kanyang mensahe ang DSWD Regional Director na si Marie Angela S. Gopalan sa pamamagitan ng phone patch. Ayon sa kanya, importanteng sundin ang mga nakatalagang health protocol at precautionary measures lalong lalo na ang BIDA Solusyon. Hinikayat din niya ang lahat na wag matakot at magpanic dahil ito ay maaring magdulot ng pagkahina ng resistensya. Sa kabila ng banta ng COVID19, mahalagang patuloy na makipag ugnayan sa local health facilities gaya ng BHERT o Barangay Health Emergency Response Team na syang unang tumutugon kung sakaling merong may mangailangan ng tulong.

Samantala, pinasalamatan ni Paula B. Unay, Regional Program Coordinator ng Pantawid Pamilya ang Department of Health EV CHD dahil sa patuloy at matatag na pakikipag-ugnayan ng bawat ahensya upang makapagbigay ng serbisyong may malasakit tulad ng pagbahagi ng kaalaman at impormasyon tungkol sa COVID19 na dapat malaman ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa buong Rehiyon Otso. Aniya, isa lamang ito sa napakaraming engagement ng DOH-DSWD partnerships, proyekto at aktibidad na naglalayong maihatid sa mas nakararami ang mga programa at serbisyo na gobyerno.

Ang nasabing FDS on Air ay patuloy na mapapanood sa Facebook at sa kasalukuyan ay meron ng 8.1k na views. Ang pangalawang episode naman ay magaganap sa October 5, 2020. Narito ang iba pang schedule:
Episode 3: October 19, 2020
Episode 4: November 9, 2020
Episode 5: November 23, 2020
Episode 6: December 4, 2020

Naglunsad din ng parehong aktibidad ang probinsya ng Biliran noong September 30, 2020 mula alas 11:00 hanggang alas 12:00 ng umaga kung saan nagsilbing tagapagsalita si Vanessa Ramirez HEPO III ng Provincial Health Office, Biliran at Pantawid Pamilya Provincial Link Susan Rostata. Ito ay naganap sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng Programa sa Provincial LGU sa pangunguna ni Governor Rogelio J. Espina at 103.9 Radyo Natin Naval.

Ang buwanang FDS ay isinasagawa ng Programa upang linangin ang kakayahan ng mga benepisyaryo at sambahayan na tumugon at maging aktibo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad bilang magulang. Dahil sa kasalukuyang pandemya, pansamantalang itinigil ang face to face na FDS at ginamit ang ibang pamamaraan katulad ng radio programs upang maipagpatuloy ang nasabing aktibidad.
#BIDAangMayDisiplina
#DSWDMayMalasakit
#LagingHanda
#COVID19PH
#PantawidPamilyangPilipinoProgram
Maagap at Mapagkalingang Serbisyo!