“Ang pinakamagandang katangian ng tao ay hindi ang pag-iisip ng puno ng katalinuhan, kundi ang puso na puno ng pagmamahal na handang  dumamay sa mga higit nangangailangan.”

Ito ang pinanghahawakang prinsipyo ni Medardo Suan, kilala bilang Tatay Meding sa kanilang pamayanan sa Silago, Southern Leyte. Bitbit niya ang prinsiyong ito kaya’t kahit na mahigit disisenta na ito ay patuloy pa rin siyang nagboboluntaryo. Sa katunayan ay isa siyang community volunteer ng DSWD sa programang Kalahi-CIDSS, isa sa pinakamatandang nagboboluntaryo sa programa sa kanilang bayan.

-Para sa sarili, para sa bayan-

Bata pa lamang si Lolo Meding ay likas na sa kanya ang pagiging lider at pagmamalasakit sa kapwa. Hindi man siya nakapagtapos ng pag-aaral ay ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang personal na adbokasiyang tumulong sa kapwa.

Sambit pa niya, “Kahit walang diploma galing ng kolehiya ay hindi ito rason upang makapagbigay ka ng iyong opinyon sa ikabubuti ng iyong barangay.”

Dahil sa kanyang pagsusumikap ay bumuo siya ng grupo sa kanilang barangay taong 2009 na tinawag na Guardians International –brotherhood on discipline. Ito ay grupo na naglalayong hasain ang mga tao na magboluntaryo para sa ikauunlad ng kanilang pamayanan.  Dahil rito ay nahirang siya bilang “Organizer of the Year”.

Noong 2014, naging Board of Director siya ng Barangay Water and Sanitation Association (BAWASA) at ng kooperatiba ng mga magsasaka na Silago Multi-Purpose Cooperative.

Dahil sa ipinamalas niyang pagmanehar at paghawak ng pera ay kinuha siya ng barangay bilang treasurer.

Upang mas mapalawak at mapaigting pa ang kanyang mga adbokasiya para sa kanyang barangay ay tumakbo itong barangay kagawad

Siya rin ay isang gender advocate ng mga karapatang pantao, aktibo niyang inilalahad na bawat isa ay may karapatan lalo na  ang mga kababaihan at kabataan. Ibinabahagi din niya ang kaalaman sa mga kaso ng Violence Against Women and Children (VAWC) Isa rin sa mga adbokasiya niya ay ang kalikasan at kapayapaan sa kanilang lugar.  Isa siya sa mga rason kung bakit na nananatii ang katahimikan sa kanilang lugar.

Tulungan din sila ng kapwa opisyales niya ng barangay upang makasagawa ng mag proyekto sa komunidad. Kung hindi man sapat ang pondo nila sa barangay ay nag-aambagan silang mga opisyales upang ito ay maisakatuparan.

Dahil sa kanyang paninindigan at pamumuno ng Lupong Tagapamayapa ay naihayag sila bilang  National Champion para sa kategoryang 4th-6th class municipalities at naging Hall of Famer dahil sa sunod sunod na pagkapanalo ng naturang kategorya grupong ito mula sa Department of Interior Local Governance.

Dahil sa marami itong naisulong na mga resolusyon at adhikain ay hinirang siyang Most Outstanding Barangay Kagawad.

Sa kasalukuyan, kahit wala na siya sa barangay bilang opisyales ay isa pa rin siyang aktibong community o purok leader.  

Siya din ay bise-presidente ng grupo ng mga senior citizen at aktibo ding boluntir sa iba’t ibang ahenisya ng gobyerno kasama na ng DSWD. Nagpapatuloy ang kaniyang layunin na iparinig ang boses ng mga mahihirap at bulnerableng sektor ng lipunan, batay na nakita niya sa CDD program ng DSWD.

-Tatay Meding at ang kanyang pananaw sa Kalahi-CIDSS program-

Para sa kanya, ang mga ordinaryong tao lalo na ang napapabilang sa pinakabulnerableng sektor ng lipunan ay may pagkakataon na mapakinggan. Naniniwala rin siya na kaya nilang tuparin at panatilihin ang tamang pamamalakad ng kaniyang barangay para umusbong pa ang kanilang komunidad. Batay na adhikain ng DSWD sa pamamagitan ng Kalahi-CIDSS program.

Naging chairperson ng mga boluntir si Tatay Meding sa ilalim ng Kalahi-CIDSS program. Naging daan din ito upang mas mapaunlad pa niya nag kanyang mga natutunan at kakayahan at ibahagi sa iba.

Ika nga niya, “ Madami akong natutunan sa mga Kalahi trainings na aming na-attend kasama na rito kung paano mamuno, paano magsagawa ng proyekto, mamili ng mga standard na materyales ng mga naipapatupad naming proyekto at siguraduhing napapanatili namin ito.”

Sa patuloy niyang pagbabahagi, ayon sa kanya ay malaki ang tulong at suporta ng DSWD sa kanilang barangay sa pagharap ng pandemya na dulot ng COVID-19.

Naibahagi niya na hindi sapat ang pondo ng barangay upang makapapatayo ng pasilidad at mga medical amenities para magamit ng mga frontliners, Locally Stranded Individuals at confirmed COVID cases ng kanilang barangay. Ang Kalahi-CIDSS program ay umalalay sa kanila upang ang kanilang pangangailangan ay matugunan.

Dahil rin sa proseso ng Kalahi-CIDSS program ay naibabalik ang tiwala ng tao sa gobyerno dahil walang bahid ito ng korupsiyon.

-Pamana ni Tatay Meding-

Malalaki na rin at may mga sariling pamilya ang kanyang mga anak. Kapos man sa buhay ay ang kabutihan ng kalooban at pagtulong sa kapwa ang ipinama niya sa kanyang mga anak. Ika nga ni Tatay Meding, “Bata pa lamang ang aking mga anak ay ipinapaliwanag ko na ang tama at mali. Hindi man lahat professional ay proud ako sa kanilang lahat dahil lumaki silang mabubuting mga tao.”

Patuloy na nagsasaka si Tatay Meding upang masuportahan ang kaniyang asawa at mga apo. Suportado naman si Tatay Meding ng kanyang asawa sa lahat ng desisyon at plano niya.

 Malayo man ang kaniyang narating ay nananatili pa rin siyang magkumbaba kung kaya’t siya ay nirerespeto at pinapakinggan ng mga tao.

Dahil din sa pagpupursigeng tumulong sa kapwa, nagsilbi itong inspirasyon para sa kanyang pamilya at sa pamayanan na magkaisa sa lahat ng panahon.

Kahit salat man sa buhay, si Tatay Meding ay buong tapang at puso niyang ibabahagi ang kanyang oras upang magsilbi bilang ama, asawa at boluntaryo para sa bayan habang siya ay  malakas.

Ika nga niya, “Hindi lang naman pera ang kaya mong paibahaging tulong sa kapwa. Pwede rin ang pagtulong sa kanila sa pamamagitan ng pagboboluntaryo. Kung kaya’t kahit na mahirap at matanda na ako ay  tutulong at tutulong ako sa kanila sa abot ng aking makakaya.”

Credits  DSWD A/CT Silago, Southern Leyte| AC Ma Christina Lampitoc| Joyce Pica