Bilang suporta sa asawang mangingisda, pagbebenta at paglalako sa mga nahuling isda at hipon ang pangunahing hanapbuhay ng mga miyembro ng Brgy. Manajao at Brgy. Sinalaran Women’s Sustainable Livelihood Program Associations (SLPAs) ng Palapag, Northern Samar.

Pagpatak ng alas tres(3AM) ng madaling araw, habang madilim pa ang kapaligiran ay pumupunta na sila sa palengke upang ibenta ang mga huling pagkaing-dagat. Kapag hindi pa naubos, pagdating ng alas sais (6AM) ng umaga ay inilalako ito nila sa bayan kung saan naglalakad sila ng apat na kilometro (4 Kilometers) para makarating sa sentro o poblacion.

Ang hindi naibebenta na hipon ay mano-mano nilang ginagawang kropek o shrimp crackers. Kaya noong natanggap nila ang tulong mula sa DSWD-SLP ay ginamit ito nila  bilang dagdag puhunan–pambili ng mga gamit at makina na makakatulong sa kanila na mapalaki ang produksyon at mapadali ang paggawa ng produkto.

“Malaki ang aming pasasalamat sa DSWD sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program na patuloy na tumutulong sa aming mahihirap ngayong panahon ng pandemya. Lahat ng inyong payo ay tatandaan namin para mapaganda namin ang negosyo na ibinigay ng SLP. Itong tatlo ang aming gabay: Una, ang pagtiwala sa isa’t-isa. Pangalawa, ang pagkakaisa ng lahat sa bawat desisyon para sa ikabubuti ng aming negosyo. Pangatlo, ang pagpuri at pagkilala sa grasya na ibinigay ng Panginoon sa amin,” pahayag ni Lita Pelembergo, SLPA President ng Manajao Women’s SLPA.

Sa ngayon ay hanggang sa barangay pa lamang umaabot ang kanilang produkto dahil mabenta naman ito sa kanilang mga kapit-bahay. Nais din ng grupo na pagandahin ang packaging ng kanilang produkto bago nila ipagbili sa ibang bayan ng Northern Samar. Bilang isang agency partner ng SLP, ang Department of Trade and Industry (DTI) Negosyo Center ay nagpaabot ng mensahe na tutulungan ang mga grupo sa design at packaging ng kanilang mga produkto.

#DSWDMayMalasakit
#SLPSibol