Nililinaw ng DSWD Eastern Visayas na ang ginagawang distribusyon ng Emergency Subsidy Program sa ilalim ng Bayanihan 2 ay hindi Second o Third Tranche ng Social Amelioration Program.

Hindi kasama ang Eastern Visayas sa mga lugar na isinailalim sa Enhanced Community Quarantine noong nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 112, s. 2020 noong nakaraang Mayo. Dahil dito, hindi nagkaroon ng Second Tranche sa Rehiyon VIII.

Inililinaw din ng DSWD na ang mga makakatanggap ng P5,000 na Emergency Subsidy ngayong Bayanihan 2 ay ang mga nakatira sa mga lugar na isinailalim sa granular lockdown. Kasama din ang mga kwalipikadong pamilya na hindi pa nakatanggap noong First Tranche. Maari lamang makatanggap ang mga nakatanggap dati kapag nakatira sila sa mga granular lockdown na lugar.

Ang granular lockdown ay ang mga maliliit na lugar katulad ng barangay, sitio, purok, kalye, residential building o bahay na tinaguriang critical zone ng lokal na DILG (Department of Interior and Local Government) at sinang-ayunan din ng RIATF (Regional Inter-Agency Task Force).

Sa ngayon, patuloy ang DSWD Eastern Visayas sa distribusyon ng Emergency Subsidy ng Bayanihan 2. Sa pinakahuling tala, nakapamahagi na ang DSWD ng P37,350,000 sa 7,466 na benepisaryo sa Rehiyon VIII, at inaasahang tataas pa ang bilang na ito habang patuloy ang pamamahagi.