“Maraming salamat, DSWD, sa inyong binigay na aginaldo sa amin. Mahirap ang buhay naming dito sa barrio, kaya malaking tulong talaga ito sa amin. Ibibili ko ito ng pagkain para magkaroon kami ng munting salu-salo ngayong Pasko!” Ito ang pahayag ni Danilo, isang benepisaryo ng Babatngon, Leyte.

Ngayong Kapaskuhan, nakapamahagi na ang DSWD ng P47,580,000 bilang Emergency Subsidy sa 9,251 na kwalipikadong pamilya sa ilalim ng Bayanihan 2 dito sa Rehiyon Otso. Itong mga benepisaryo ay ang mga pamilyang nakatira sa mga critical zone na lugar na isinailalim sa granular lockdown, o kaya ang mga hindi nakatanggap noong unang distribusyon ng Social Amelioration Program.

Patuloy na nililinaw ng DSWD na ang pamamahagi ng Bayanihan 2 ay hindi Second o Third Tranche ng Social Amelioration Program. Hindi kasama ang buong Eastern Visayas sa Second Tranche dahil hindi kasama ang Rehiyon VIII sa mga isinailalim sa Enhanced Community Quarantine noong pinirmahan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 112, s. 2020.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang pamamahagi ng DSWD Eastern Visayas ng Bayanihan 2 sa iba’t ibang munisipyo sa Rehiyon VIII. Para sa iskedyul ng distribusyon sa lugar ninyo, makipag-ugnayan sa inyong lokal na mga opisyal.

#DSWDMayMalasakit