Ito ang pahayag ni DSWD Eastern Visayas Administrative Division Chief Clarito Logronio matapos magpabakuna laban sa COVID-19 sa ginanap na vaccination program para sa mga health workers at frontliners.

Aniya, “Nagkaroon po ng ng briefing kung saan sinabihan kami na maaring makaranas kami ng lagnat o iba pang side effect, subalit, normal lang ito. Payo din ng mga doktor na kunin ang opportunidad na magpabakuna kasi hindi natin alam kung kailan ang susunod na pagdating ng vaccine. Dagdag dito, ito ang personal na kontribusyon natin para makamit ang herd immunity, kung saan dapat 70% ng populasyon ang nabakunahan na upang hindi na kumalat ang COVID-19. Kaya hinihikayat naming ang lahat na magpabakuna kapag may roll-out ng vaccine.”

Iginiit din niya ang kahalagahan ng tamang impormasyon, lalo na ukol sa pagpapabakuna, at nagpaalala na huwag basta-basta maniwala sa mga nababasang post sa Internet, kundi magsuri at magtanong sa lisensyadong medical health practitioner.

Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Tacloban City, nabakunahan na ang 142 na kawani ng DSWD Eastern Visayas sa ginanap na vaccination program. Sa ngayon, ilang kawani ng DSWD ang nagpalista na para sa susunod na pagdating ng bakuna. Maaalalang kasama ang mga kawani ng DSWD sa mga frontliners na patuloy na namamahagi ng social services, katulad ng Social Amelioration Program simula noong nagkaroon ng community quarantine noong Marso 2020 hanggang sa kasalukuyan

#DSWDMayMalasakit
#OneDSWD
#FO8isGr8