Pinirmahan ng DSWD Eastern Visayas at ang Eastern Samar State University (ESSU) ang isang Memorandum of Agreement sa pangunguna nina DSWD OIC Regional Director Grace Subong and ESSU University President Andres Pagatpat Jr., Ph.D. at sa pamamagitan ng pagsisikap ng Eastern Samar Sub-Field Office ng DSWD.
Sa bisa ng kasunduan na ito, pumapayag ang ESSU na gamitin ng DSWD ang ilang pasilidad ng unibersidad sa mga campus nito sa Borongan City, Can-avid at Salcedo bilang warehouse ng Family Food Packs (FFPs) at iba pang mga relief items.

Bahagi ito ng estratehiya ng DSWD na makapag-preposition ng relief items sa iba’t-ibang bahagi ng Rehiyon. Sa pamamagitan ng prepositioning, iniimbak ng DSWD ang mga relief items sa mga strategic na lokasyon bago pa man magkaroon ng bagyo o sakuna. Sa panahon ng sakuna, maaring magamit itong mga nakaimbak na relief items bilang pangunahing tulong sa mga munisipyong magrerequest. Dahil dito, magiging mas mabilis ang pagresponde ng DSWD sa mga sakuna.

Sa ngayon, may nakaimbak na 14,994 na FFPs ang DSWD Eastern Visayas. Sa bilang na ito, 11,694 ang nasa Regional Resource Operations Section na warehouse sa Palo, Leyte, habang may nakapreposition naman na 800 sa Allen, Northern Samar, 800 sa Catarman, Northern Samar, 100 sa Naval, Biliran, 200 sa Maasin City, Southern Leyte, 700 sa ESSU Can-avid, Eastern Samar at 700 sa ESSU Borongan City, Eastern Samar.

#DSWDMayMalasakit
#OneDSWD
#FO8isGr8