Ang DSWD Eastern Visayas ay tumanggap kamakailan ng 9,125 na reusable facemasks sa isang turnover ceremony na dinaluhan nina DSWD Regional Director Grace Subong at TESDA Regional Director Gamaliel Vicente. 

Ang mga facemasks na ito ay may tatlong patong at maaring labhan. Gawa ito sa mga tela at materyales na inirekomenda ng Philippine Textile Research Institute (PTRI) at ng Department of Health (DOH). Lahat ng ito ay ginawa ng mga trainees sa Dressmaking NC II, mula sa iba’t – ibang accredited o kinikilalang mga institusyon ng TESDA dito sa Rehiyon Otso. Sa kabuuang bilang na ito, 1,500 ang gawa ng Las Navas Agro-Industrial School (LNAIS), 7,000 mula sa Balicuatro College of Arts and Trades (BCAT),  at 625 mula sa Samar National School of Arts and Trades (SNSAT). 

Ayon kay Director Subong, “Bilang frontliners, ang staff ng DSWD Eastern Visayas ay at risk sa COVID 19, lalo na sa pamamahagi nito ng serbisyo, katulad ng mga payout at relief operations. Kaya, malaking tulong talaga ang mga face masks na ito. Makakaabot ito sa ating mga staff sa field, kahit sa pinakamalayong munisipyo sa Northern Samar.
”Dagdag pa niya, “Ito na ang new normal; kailangan na talaga ang faceshield. Maraming salamat TESDA sa pagsusuporta sa DSWD, at sa pagbibigay nitong mga faceshields namin. Biyayaan nawa kayo ng grasya at lakas, lalo na sa inyong mga trainees!” 

Ang mga kawani ng DSWD ay kabilang sa mga frontliners na patuloy na nagserbisyo at nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan sa kalagitnaan ng pandemiya.

#DSWDMayMalasakit 
#OneDSWD