Ako si Rogelio Jimenez Templado, 57 taong gulang na kasalukuyang nakatira sa Barangay San Pedro, Sogod, Southern Leyte. Pangarap ko ang makapagtapos ng pag-aaral ngunit hindi ito dumating sa akin. Mahirap lamang ang aking mga magulang kung kaya’t nag desisyon akong magpakalayo at magtrabaho bilang isang working student subalit ako’y tila sinubok ng panahon dahil namatay ang aking amo na siyang tumulong sa akin sa aking pag-aaral. Sa kadahilanang iyon ay hindi ko na naipagpatuloy ang aking pag-aaral. 2nd year High School lamang po ang aking natapos. Nakapag asawa ako ng maaga at nagkaroon ng sariling pamilya. Ang pagiging karpentero ko ngayon ang bumubuhay sa pito kong anak. Ito ang salaysay ng aking buhay bago ako naging benebesyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Sa pitong taong pakikipagsapalaran ko at ng aking pamilya sa Surigao ay matinding pagsasakripisyo at hirap ang aming dinaranas upang mabuhay lamang. Bukod sa wala akong natapos ay wala din akong pormal na trabaho. Tila ba ang buhay dati ay nakadepende lamang kung saan kami pwedeng dalhin ng aming kapalaran kahit ito’y walang kasiguraduan. Nagpalipat-lipat ako ng trabaho bilang isang karpentero, sinikap ko sa kabila ng kahirapan na hindi maihiwalay sa akin ang aking asawa at mga anak. Kung maari ay kung saan ako nagtatrabaho dati ay doon ko rin sila dinadala at pinapatira. Maliit pa lamang ang aking mga anak noon kung kaya’t tunay na hindi talaga madali ang buhay. Wala kaming sariling bahay at hindi sapat ang aking kinikita para sa pangaraw-araw na gastusin. Minsan dahil sa karimpot na sahod ay napipilitan akong mapalayo mag-isa mula sa aking pamilya upang magtrabaho, minsan tumatagal ako ng dalawa ug higit pang mga buwan sa aking pinagtatrabahoan bago ako makauwi sa piling ng mga mahal ko sa buhay. Mas naging matindi ang pagsubok sa akin noong lumalaki na at nag-umpisa nang mag-aral ang aking mga anak. Ganun parin ang aking trabaho hindi maiwaglit na minsan ay kapos talaga kaya nangungutang na lang kami ng aking misis sa tindihan upang may bigas at makakain lamang ang aking mga anak bago pumunta sa skwela.

Matindi man ang pagsasakrispisyo ay patuloy ko pa rin na pinagpapaaral ang aking mga anak. Malaki ang pasasalamat ko sa Panginoon dahil sa kabila ng napakahirap na buhay ay hindi pa rin Niya kami pinabayaan. Malaki rin ang aking pasasalamat sa aking mahal at masipag na asawa sa pag-aalaga niya sa aming mga anak lalo na pagtulong sa akin sa paghahanapbuhay upang mapakain at maipagpatuloy lamang ang pag-aaral ng aming mga anak. Tunay na diskarte ang kailangan para mabuhay. Tumatanggap siya ng labahin mula sa aming mga kapitbahay, minsan naman ay nagtitinda ng gulay sa palengke. Gayun paman, malaki rin ang aking pasasalamat dahil binigyan ako ng Maykapal ng mga matatalino at masisipag na mga anak. Minsan ay tumutulong ang mga bunso kong anak sa kanilang nanay sa pagtitinda ng basahan, cellophane, ice candy, gulay o kahit na anong pwedeng pagkakakitaan. Habang ang aking mga panganay na sina Ariel, Ryan at Darwin ay tumutulong naman sa akin sa trabaho upang matulungan na mapag-aral nila ang kanilang sarili. Kahit toyo, bagoong o saging lamang ang ulam, walang baon at kahit naglalakad lamang papuntang paaralan, malayo man, ay patuloy parin sila sa pag-abot ng kanilang mga pangarap sa buhay, ang makapagtapos ng pag-aaral.

Naging mas mahirap ang buhay noong magkokolehiyo na ang aking tatlong anak. Dahil hindi sapat ang kita ay napilitang huminto ang panganay kong anak, sumama siya sa akin magtrabaho sa Maynila habang pangalawa at ikatlo kong anak ay patuloy sa pag-aaral sa High School sa Surigao. Subalit tila hindi parin sapat ang aming pagsasakripisyo at pagsisikap, napalitang mahinto muna sa pag-aaral ang dalawa ko pang anak na lalaki, hindi muna sila nakapagkolehiyo dahil hindi sapat ang pera para pagsabayin silang mag-aral ng kolehiyo. Sa halip ay naghanapbuhay rin muna sila upang makaipon ng pera. Pahinto-hinto man sila sa kanilang pag-aaral ay hindi pa rin nawala sa kanilang isip at puso ang nais na makapagaral’ng muli. Ganoon ang naging sitwasyon ng pamilya kong naiwan sa Surigao habang kami naman ng panganay ko ay nagsikap na magtrabaho sa Maynila. Makalipas ang isang taon, bumalik kami ng Surigao pero wala ng trabaho. Subalit sadyang napakabuti nga naman talaga ng Panginoon dahil makalipas ang ilang araw may tumawag sa akin dala ang napakagandang balita. May nag-aalok sa akin ng trabaho sa Leyte at dahil kailangan ko nga ng trabaho ay hindi na ako nagdalawang isip na tanggapin iyun. Iniwan ko muna saglit ang aking pamilya sa Surigao upang masiguro ang kalagayan ko sa Southern Leyte. Naging maayos naman ang trabaho ko sa Leyte kaya tinawagan ko kaagad ang aking asawa at nagpasya kami na dito na lang sa Sogod, Southern Leyte manirahan. 

Unti – unting nagbago ang aming pamumuhay dito sa Southern Leyte, kahit medyo mahirap pa rin ay naging maayos na ang aking trabaho at nakapagpatuloy sa pag-aaral ang aking mga anak laong lalo na dahil sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Malaki ang aking pasasalamat sa programang ito dahil napasali at naging benepesyaryo ako at ang aking pamilya rito. Nagsimula akong maging myembro noong may nag survey at interview sa aming barangay noong taong 2009. Noong 2012 naman ay tuluyan na nga akong naging myembro ng 4P’s. Noo’y napagkakasuduan namin ng aking mga anak na lalaki na dahil meron namang tulong mula sa gobyerno ay magtutulungan nalang kami upang maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral sa kolehiyo. Sila ay magtatrabaho bilang karpentero sa aking pinagtatrabahoan t’wing sabado at linggo habang sila ay patuloy na nag-aaral ng kolehiyo, ang pera na natanggap namin sa programa ay siyang ipinambibili ng mga kagamitan sa pag-aaral ng kanilang tatlong nakakabatang kapatid, ito ay nagsilbing dagdag pantustos sa pag aaral ng aking mga anak. Dahil na rin sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang aking kita ay sakto na para sa pangangailangan sa pangaraw-araw hindi tulad noon na palagi nalang kaming nangungutang na aking misis. Bukod pa roon ay naging “parent leader” din ang aking asawa, kahit hindi niya natupad ang kanyang pangarap dati na maging teacher ay naipakita parin naman niya ito sa pamamagitan ng pamumuno niya sa ibang pang 4P’s members. Nakatulong sa pagbuo ng kanyang kompyansa sarili ang mga aktibidadis o sesyong ng 4P’s katulad ng FDS, seminars at trainings na kanyang nilahokan. Ngayon ay marunong na siyang makipaghalubilo ng ibang tao at mamuno ng may mithiing makatulong sa gobyerno. Hindi man naging madali ang aming karanasan ay nakapagtapos na rin sa wakas ng pag-aaral ang aking mga anak. Ang aming panganay ay nakapag-asawa na. Ang aking ikalawang anak ay Civil Engineer na ngayon at nagtatrabaho na sa Cebu, samantalang BS Electronics naman ang natapos ng aking ikatlong anak na sa kasalukuyan na namamahala na ngayon sa aming munting negosyo (Furniture Shop). Opo, dahil sa pagiging tanyag naming karpentero ay nagdesisyon kami na gumawa ng sariling amin (shop) dahil sa sustento at tulong na rin mula sa ikaapat kong anak na ngayon ay Electrical Engineer na nagtatrabaho ngayon sa Maynila ay nakabuo nga kami na sarili naming negosyo. Ang anak kong babae naman ang nakapagtapos ng kursong Secondary Education, at pumasa noong LET 2018. Siya ay naging CHED Scholar (Tulong – Dulong Program) noong siya ay nag-aaral pa lamang ng kolehiyo. Ngayon ay nagtatrabaho na rin siya sa isang pribadong paaralan. Ang dalawa ko pang anak na lalaki ay patuloy parin na nag-aaral ngayon sa kolehiyo sa kursong Civil Engineering din at bilang isang Scholar ng bayan. Ang bunso kong anak naman ay Grade 11 na ngayon at benepesyaryo parin ng Pantawid Pamilya Pilipino Program. Tunay na napakalayo na ng narating namin sa buhay noon at ngayon. Dahil sa aming pagtutulungan ay tuluyan na nga kaming nakaranas ng maginhawang buhay, bukod sa nagkaroon na kami ng sariling lupa at bahay ay meron na rin kaming sariling negosyo (Furniture Shop) na ipinapatakbo ngayon.

Maraming salamat sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program at natulungan kaming matupad unti-unti ang aming mga pangarap sa buhay.