Habang patuloy sa pagresponde ang DSWD sa mga naapektuhan ng bagyong Jolina, naghahanda naman ang ahensya para sa maaring maging epekto ng bagyong Lannie.

Huling namataan ang mata ng bagyo sa Liloan, Southern Leyte. Inaasahan na magdudulot ito ng pag-ulan, na maaring maging sanhi ng landslide at flashflood dito sa Eastern Visayas. Dahil dito, isinailalim na sa Signal number 1 ang ilang mga probinsya sa Rehiyon, kasama ang Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, at Southern Leyte.

Sa kasalukuyan, may nakaimbak na 9,537 na Family Food Packs ang DSWD. Kasama dito ang 4,417 sa Regional Resource Operations Section na warehouse sa Palo, Leyte. Kasama din dito ang mga FFPs na naka-preposition sa iba’t-ibang strategic na location sa buong Rehiyon.

Nakikipag-ugnayan naman ang Disaster Response Management Division ng DSWD sa mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO) at Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) mula sa mga lokal na pamahalaan upang makukuha ng mga updates ukol sa epekto ng bagyong ito.

Ipinapaalala ng DSWD na ayon sa Republic Act 10121, ang LGU ang unang responders kapag may sakuna. Maaring magpadala ang DSWD ng FFPs kapag mag-request ang LGU.

#DSWDMayMalasakit