Patuloy na nag-momonitor ang DSWD Eastern Visayas sa paggalaw ng bagyong Odette. Sa pinakahuling ulat mula sa PAG-ASA (11AM, December 14), naging severe tropical storm na ang klasipikasyon ng bagyo. Huli itong namataan 1,165 na kilometro sa silangan ng Mindanao, sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Inaasahang makakapasok ito sa PAR ngayon hapon hanggang gabi, kung kailan tatawagin itong Odette.

Bilang bahagi ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC), nakibahagi ang DSWD sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA). Itinalakay sa nasabing aktibidad ang mga panganib na maaring maidulot ng paparating na bagyo, at ang kahandaan ng iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno.

Sa kasalukuyan, may nakahandang 20,600 na Family Food Pack (FFPs) ang DSWD. Nakaimbak ito sa iba’t-ibang strategic na mga warehouse sa buong Rehiyon. Kabilang dito ang 14,626 na FFPs sa Regional Resource Operations Section, 1,200 sa Eastern Samar, 3,694 sa Northern Samar, 980 sa Samar, 100 sa Biliran. Sa kabuuan, nagkakahalaga ito ng P10,385,473.31. Nag-activate na rin ang DSWD ng Quick Response Team (QRT) nito, upang patuloy na mabantayan ang galaw ng bagyo at upang makaresponde kapag may mangailangan na LGU.

Patuloy namang nagpapaalala ang ahensya na ayon sa Republic Act 10121, ang LGU ang unang rumeresponde sa mga sakuna. Maaring mag-release ng mga relief goods ang DSWD kapag mag-request ang mga LGU.

#DSWDMayMalasakit