Nagbahagi kamakailan ang DSWD Eastern Visayas ng Cash-For-Work para sa mga nasiraan ng bahay sa Jipapad, Eastern Samar dahil sa bagyong Bising.

Sa kabuuan, nakapamahagi ang ahensya ng P4,398,875.00 sa 1,354 na mga benepisaryo sa nasabing LGU. Sa bilang na ito,1,353 ang nagtamo ng pinsala sa kanilang bahay dahil sa bagyo (partially-damaged house), habang isa naman ang tuluyang nawalan ng tirahan (totally-damaged house). 

Ang Cash-For-Work ay isa sa mga rehabilitation programs ng DSWD. Layunin nitong mabigyan ng financial assistance ang mga benepisaryo kapalit ng pagtatrabaho nang ilang araw. 

Nanalasa ang Bagyong Bising noong Abril 2021. Isa ito sa mga pinakamalakas na bagyo na pumasok sa Philippine Area of Responsibility noong 2021. Karamihan sa mga munisipyo na naapektuhan nito ay nasa probinsya ng Eastern at Northern Samar.

Samantala, nagpapatuloy naman ang ahensya sa pagsasagawa ng relief operations para sa mga naapektuhan ng bagyong Agaton.