Iginawad ng DSWD Field Office VIII kamakailan ang accreditation para sa dalawang Senior Citizen Centers sa Palo, at sa Burauen. Sa pangunguna nina DSWD FO VIII Regional Director Grace Q. Subong, Assistant Regional Director for Operations Natividad Sequito, at Policy and Plans Division Head Ofelia Pagay, iginawad ang accreditation na ito sa mga kinatawan mula sa nasabing mga munisipyo, bilang pagkilala na kumpleto at nakapasa sa national na standards ang mga centers na ito.

Ang Senior Citizen Center ay isang gusaling ipinapatayo ng mga Local Government Units para maging tagpuan ng mga senior citizens. Maaari itong gamitin para sa iba’t-ibang mga aktibidad tulad ng mga pagpupulong ng Office of the Senior Citizens Affair (OSCA).

Ayon kay DSWD FO VIII Standards Section focal Ma. Reyschel Balase, “Ang tungkulin ng ahensya ay hikayatin ang mga LGU at magbigay ng technical assistance para makamit nila ang accreditation. Para ma-accredit, tinitingnan natin na kumpleto itong mga Centers. Dapat eksklusibo ang center para sa mga senior citizens lamang. Tinitingnan din natin ang pisikal na features ng gusali at sinisiguradong angkop ito para sa ating mga senior citizens. Dapat may receiving area, may conference room, activity area, kitchen area, at hiwalay na mga palikuran para sa mga babae at lalaki. Dapat accessible ito para sa mga senior citizens na persons-with-disabilities (PWDs). Dapat may ramp para sa wheelchair. Kapag kumpleto ang lahat ng mga requirements, maaari nating i-endorse ang mga Centers na ito sa Central Office para ma-inspect at ma-accredit sila.”

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD