Nagkaroon ng paglagda ng Data Sharing Agreement at pagbahagi ng Listahanan 3 database ang DSWD Field Office VIII sa lokal na pamahalaan ng Dagami, Leyte noong ika-21 ng Hunyo, 2023.

Ibinahagi ni Regional Field Coordinator (RFC) Leizel Astorga at Regional Information Technology Officer (RITO) Romart So ng Listahanan ang electronic copy ng Listahanan 3 database sa Municipal Mayor ng Dagami, Leyte na si Hon. Angelita Delusa. Naroon din sa aktibidad ang Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) na si Jennylind Avila at Municipal Administrator Antonio del Pilar.

Base sa pinakabagong talaan ng pamilyang nangangailangan, sa kabuuang 8,433 sambahayan na na-assess ng Listahanan sa Dagami, Leyte, 4,040 sambahayan o 47.91% sa mga ito ang napapabilang sa mahihirap. Ito ay katumbas ng 21,525 na mga indibidwal.

Mahalaga para sa lokal na pamahalaan ng Dagami, Leyte na malaman kung sinu-sino at nasaan ang mga mahihirap na sambahayan upang ang datos na ito ay magsilbing basehan sa pagpili ng mga karapat-dapat na maging benepisyaryo ng mga programa at serbisyong panlipunan na naglalayong maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap.

Para sa taong ito, naipamahagi na rin ang Listahanan 3 database sa lokal na pamahaalan ng Jaro, Leyte, Julita, Leyte, Javier, Leyte at Sustainable Livelihood Program ng DSWD Field Office VIII.

Inaasahan ng ahensya na mapapalawig pa ang paggamit ng Listahanan 3 database sa rehiyon lalo na at nagsimula na ang ahensya sa pagsasagawa ng Listahanan Consultation Dialogues para hikayatin ang mga lokal na pamahalaan, pampubliko at pribadong ahensya na gamitin ang pinakabagong Listahanan database.

Ang Listahanan o National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR) ay isang talaan o information management system na tumutukoy kung sino at saan matatagpuan ang mga mahihirap na sambahayan sa buong bansa.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

#BawatBahayMagkakasamaSaKaunlaran

#DSWDListahanan3