Nakiisa ang DSWD Field Office VIII sa paggunita ng World Day Against Child Labor, na may temang “Buong bansa, lahat ng bata, sama-sama para sa Batang Malaya!” Kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t-ibang ahensya, nagpahayag ng suporta ang DSWD FO8, sa pangunguna ni Regional Director Grace Subong, sa paglaban sa Child Labor sa pamamagitan ng isang Pledge of Commitment sa implementasyon ng Philippine Program Against Child Labor Strategic Framework.

Binigyang-diin ni Director Subong ang kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t-ibang mga ahensya para labanan ang child labor. “Ang tanong ngayon, paano natin matutuldukan ang child labor? Inatasan tayo ng gobyerno na isulong ang karapatan ng mga kabataan, kaya gumawa tayo ng Regional Council Against Child Labor kasama ang ating mga partner agencies. Hindi nag-iisa ang DSWD sa pagpapatupad ng serbisyo at programa para sa welfare ng mga kabataan. Kasama natin ang ating mga partners, mga stakeholders, at ang pribadong sektor. Nakikinig at nakikita nila kayo. Kaya hindi tayo mapapagod sa pagsuporta sa kung ano man ang ikabubuti ng sitwasyon ng mga kabataan.”

Sa pangunguna ng Protective Services Division, pinapangalagaan ng DSWD FO8 ang karapatan ng mga kabataan, kasama ang mga child laborers. Samantala, patuloy namang ipinapatupad ang iba’t-ibang mga programa para labanan ang kahirapan na kadalasang nagiging sanhi ng child labor. Kasama sa mga programang ito ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Sustainable Livelihood Program (SLP), Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at iba pa.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD