Ano ang mga karapatan ng mga bata? Ano ang mga batas na ipinatupad para sa kanilang proteksyon? Gaano kahalaga ang edukasyon? Ilan lang ito sa mga paksang tinalakay ng DSWD Field Office VIII sa isinagawang World Day Against Child Labor.

Nagsagawa ang DSWD FO VIII ng isang educational puppet show, kung saan itinuro sa mga bata at sa kanilang mga magulang ang mga karapatan ng kabataan at ang iba’t-ibang mga batas laban sa child labor. Pinangunahan ito ng SHIELD Against Child Labor na programa ng DSWD, kasama ang Regional Sub-committee for the Welfare of Children, Eastern Visayas State University Internationalization Office, DepEd, DOLE, Plan International, DA, DENR, TESDA, PNP, NBI, DOH, Save The Children, NEDA, PSA, at PIA. Maliban sa puppet show, namahagi din ang mga ahensya ng mga information kits at iba pang mga babasahin.

Ang SHIELD (Strategic Helpdesks for Information, Education, Livelihood and Other Developmental Services) Against Child Labor ay isa sa mga proyektong ipinapatupad ng DSWD. Layunin nitong maging malaya ang mga kabataan mula sa child labor sa pamamagitan ng pagbibigay ng “holistic and immediate interventions” sa mga komunidad. Kasama sa mga interventions na ito ang rescue and recovery, health services, educational assistance, counseling, skills training, financial assistance, legal facilitation, livelihood skills development, capital assistance at iba pa. Isa ang Region VIII sa mga napili bilang pilot areas kung saan ipinatupad ang SHIELD.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD