Pormal na ibinahagi ng DSWD Field Office VIII ang electronic copy ng Listahanan 3 database o ang pinakabagong talaan ng pamilyang nangangailangan, sa lokal na pamahalaan ng Carigara, Leyte noong ika-13 ng Oktubre, 2023.

Ipinagkaloob nina Regional Field Coordinator (RFC) Leizel Astorga at Regional Information Technology Officer (RITO) Romart So ng Listahanan Field Office VIII ang Listahanan 3 database sa Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) ng Carigara, Leyte na si Evelyn Granados. Naroon din sa aktibidad ang Social Welfare Officer II (SWO II) ng lokal na pamahalaan ng Carigara, Leyte na si Merla Lianza.

Laman ng Listahanan 3 database ang mga impormasyon ng sambahayan ng Carigara, Leyte kagaya na lamang ng mga pangunahing personal na impormasyon ng mga miyembro ng sambahayan, edukasyon, trabaho o pinagmumulan ng kita, kondisyon ng bahay at marami pang iba. Ang mga datos na ito ay maaring gamitin ng lokal na pamahalaan ng Carigara, Leyte upang magsilbing basehan sa pagpili ng mga karapat-dapat na maging benepisyaryo ng mga programa at serbisyong panlipunan na naglalayong maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap.

Inaasahan ng ahensya na mapapalawig pa ang paggamit ng Listahanan 3 database sa rehiyon lalo na at patuloy na isinasagawa ng ahensya ang Listahanan Consultation Dialogues para hikayatin ang mga lokal na pamahalaan, pampubliko at pribadong ahensya na gamitin ang pinakabagong talaan ng pamilyang nangangailangan.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

#BawatBahayMagkakasamaSaKaunlaran

#DSWDListahanan3