Sa patuloy na pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan upang gamitin ang Listahanan 3 database o ang pinakabagong Talaan ng Pamilyang Nangangailangan, nagsagawa ng Consultation Dialogue tungkol sa Listahanan Data Sharing ang DSWD Field Office VIII sa Catarman, Northern Samar noong ika-18 ng Oktubre, 2023.

Dinaluhan ng mga Provincial/City/Municipal Social Welfare and Development Officers (P/C/MSWDOs) sa probinsya ng Northern Samar at ng kanilang mga kinatawan ang nasabing konsultasyon.

Tinalakay ni Statistician II Aileen Joy Silvestre ng Listahanan ang mga Standard Operating Procedures (SOPs) ng Listahanan at ang mga hakbang at mga dokumentong mga kinakailangan upang maibahagi ang datos ng Listaanan sa mga lokal na pamahalaan.

Tinalakay rin ni ITO II Romart So ng Listahanan ang tungkol sa paggamit ng Listahanan Search Application. Ibinabahagi ang Listahanan Search Application sa mga lokal na pamahaalan na nakatanggap na ng Listahanan 3 database. Sa pamamagitan ng application na ito, mas mabilis na ang pagtukoy kung sino-sinong mga indibidwal ang mga napapabilang sa mahihirap.

Naroon din sa ginanap na konsultasyon ang mga kinatawan ng Northern Samar Electric Cooperative, Inc. na sina Ramil Mora at Irma Orquin. Tinalakay ni Ginoong Mora ang Republic Act 11552 o mas kilala sa tawag na Lifeline Rate Discount Program. Ito ang panibagong programa ng pamahalaan na tumutukoy sa diskwento sa bayarin sa kuryente para sa mga benepisyaryo ng 4Ps na kumukunsumo ng kuryente na 100kWh o pababa kada buwan pati na rin ang mga sambahayan na namumuhay sa mas mababang antas ng poverty threshold ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang Listahanan ay isang proyekto ng DSWD na naglalayong kilalanin at tukuyin kung sinu-sino at nasaan ang mga mahihirap sa bansa.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

#BawatBahayMagkakasamaSaKaunlaran

#DSWDListahanan3