Tubong Mondragon, Northern Samar, bata palang si Vensor Domasig ay pangarap na niya ang maging isang tanyag na mang-aawit. Mula ng sumali at naging grand finalist sa isang sikat na patimpalak sa telebisyon , ang Tawag ng Tanghalan na isang segment ng programang It’s Showtime, ay kabila’t kanan na ang imbitasyon sa kanya para sa guestings. Maging concerts ay kaniyang pinagtuunan na rin ng oras.

Sa kanyang edad na 23, hindi mapagkakaila na siya ay may matagumpay na singing career. Ngunit nananatiling mapagkumbaba si Vensor. Nagpapasalamat siya sa kanyang tinatamasang tagumpay ngayon ngunit iniisip din niya na ang lahat ng kanyang natatamasang kasikatan ay posibleng mawala bukas.Kung kaya’t nais niyang tapusin ang kanyang pag-aaral dahil para sa kanya, ang kanyang matutunanan mula rito ay dadalhin siya ng mas malayo at mas mataas.

Banggit ni Vensor, “Ang talagang pinakagusto kong makamit ay ang makatapos na pag-aaral. Itong [singing] career ko ngayon ay may malaking chance na mawala. Pero yung tagumpay na makukuha ko sa pagtatapos ng pag-aaral ay lifetime achievement.”
Kahit na siya ay abala sa kanyang karera ay pinagsasabay ni Vensor ang kanyang pag-aaral. Si Vensor ay kasalukuyang nasa- ikaapat na taon na sa kolehiyo at kinukuha ang kursong Engineering.

Sa kanyang mithiing makatapos ng pag-aaral, binalik tanaw ni Vensor ang tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kanyang pag-aaral lalo na sa pambayad sa mga kailangan niya sa paaralan noong siya ay isang monitored child beneficiary ng programa.

Batid ni Vensor na mahirap noon ang kanilang buhay. Ang kanyang mga magulang ay sa pagsasaka sila binubuhay. Marangal na kabuhayan ngunit hindi sapat sa pangangailangan ng malaki nilang pamilya. Bunso sa pitong magkakapatid si Vensor. Panaghoy ni Vensor at ng kanyang pamilya ang mairaos ang kahirapan sa araw-araw. At naging malaking tulong ang cash grants sa pag-alalay sa kanilang pangangailangan.

“Malaking tulong sa amin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Walang wala talaga kami noon. Minsan walang income [mula sa pagsasaka] ng aking mga magulang . Ang Pantawid ang naging alalay namin na matustusan ang aming pangangailangan. Nakakabili kami ng bigas. Nakakabayad sa paaralan. Nagabayan talaga ako kung paano ako makapagtapos ng pag-aaral. Maraming maraming salamat talaga sa pagkakataon na makasali kami sa programa.

Isa sa kanilang kapatid ay nakapagtapos na ng pag-aaral. Samantala, dalawa nalang silang nag-aaral na magkapatid. Batid ni Vensor na malayo pa ang tatahaking daan para sa tuloy tuloy na pag-ahon mula sa kahirapan. Malayo pa pero malayo na.

Sa ngayon, ang pamilya ni Vensor ay wala na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ngunit, proud si Vensor na siya at ang kanyang pamilya ay natulungan ng programa.

Proud na proud din kami sayo, Vensor Domasig!

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD