Puspusan na ang isinasagawang paghahanda ng Department of Social Welfare and Development – Field Office VIII para sa pilot implementation ng Project Local Adaptation to Water Access and Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Poor (Projects LAWA and BINHI) sa mga piling munisipalidad sa rehiyon.

Kamakailan lang ay nakipagpulong ang ahensya sa Provincial Local Government Unit ng Samar (PLGU Samar), kabilang na ang Provincial Environment and Natural Resource Management Office, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Provincial Agriculture Office (PAO) upang mapag-usapan ang mga hakbang sa pagpapatupad ng programa.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, sasailalim sa cash-for-training at cash-for-work ang mga benepisyaryong nabibilang sa vulnerable sector na naapektuhan ng El Niño. Ang bawat benepisyaryo ay may pagkakataong sumali sa mga aktibidad ng cash-for-training at cash-for-work sa loob ng 20 araw, na may karampatang arawang sahod batay sa umiiral na daily minimum wage sa lugar ng proyekto.

Layunin ng proyektong ito na mapalakas ang paghahanda laban sa pagbabago ng klima at ang epekto nito sa seguridad ng pagkain at kakulangan ng tubig dahil sa El Niño.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD